MANILA, Philippines - Nais makilala ni Senate Minority Leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr., kung sino ang undersecretary ng Department of Agriculture na tinawag ng isang congressman mula sa Samar na pinaka-corrupt na opisyal ng ahensiya.
Ayon kay Pimentel, hindi sapat ang ulat na may nasigawang undersecretary sa isinagawang closed-door hearing ng ahensiya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil dapat malaman ng publiko kung sino ang nasabing opisyal.
Sinabi pa ni Pimentel na dapat paimbestigahan din si DA Sec. Arthur Yap dahil sa napaulat na pagpapalabas ng milyon-milyong piso mula sa departamento para paboran ang distrito sa Bohol kung saan napapaulat siyang tatakbo.
Mahalaga aniyang hindi pinagdududahan ng publiko ang integridad ng mga department heads.
Samantala, pinagpapaliwanag din ni Pimentel ang Department of Agrarian Reform dahil sa pondo nila para sa 2008 at 2009 na walang listahan kung saan gagamitin.
Noon umanong Pebrero 15, 2008 ipinalabas ang P350 milyon sa account ng DAR kahit walang listahan ng mga proyektong paggagamitan. Bukod pa rito ang P223 milyon pondo ng DAR. (Malou Escudero)