Sen. Villar inabswelto ng 2 testigo
MANILA, Philippines - Bumuwelta laban kina Senators Maria Consuelo “Jamby” Madrigal at Panfilo “Ping” Lacson ang sarili nilang testigo nang iabsuwelto ng mga ito si Senador Manny Villar sa kontrobersyal na kaso ng double insertion sa budget ng C5 Road.
Sinabi ng mga testigong sina dating Bureau of Internal Revenue officer Car melita Bacod, Public Works special investigator Carlos Bacolod Jr. at Director General Yolanda Doblon ng Legislative Budget Research and Monitoring Office na wala silang nakitang anomalyang kinasasangkutan ni Villar at ng kumpanya nito sa C5.
Sinabi ni Bacod na, kung uulitin niya ang kwenta ng buwis na babayaran ng mga kumpanya ni Villar, pareho rin ang kanyang kalkulasyon. Sabi naman ni Bacolod, walang kinita ang mga kumpanya ni Villar sa naturang proyekto. Sa panig naman ni Doblon, walang double insertion na naganap ngunit pagdagdag lamang ng P200 million sa naturang proyekto ang pinakiusap ni Villar.
Dahil dito, mismong si Senate President at Committee of the Whole Presiding Officer Juan Ponce Enrile ay naliwanagan na iisa lamang ang insertion o amendment sa C5 project at hindi doble.
Sa darating na linggo ay magkakaroon na naman ng pagdinig sa C5 issue ngunit iginiit ni Enrile na ito na malamang ang pinakahuling pagdinig.
Kaugnay nito, sinabi ni Nacionalista Party Spokesman Gilbert Remulla na, dahil sa testimonya ng mga testigo nina Madrigal at Lacson, napawalang-sala na si Villar.
Ngunit ayon din kay Remulla, ang masakit ay ang laki ng gastos at ang daming nasayang na oras sa pag dinig ng Senado sa C5. Dahil dito iginiit ni Remulla na humingi ng paumanhin sina Madrigal at Lacson kay Villar at isoli ang perang naaksaya. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending