'Balimbing' simula na

MANILA, Philippines - Posibleng dagsain ng mga “balimbing” o political butterflies ang Liberal Party (LP) dahil sa pag-asam na “matitilamsikan” ng biglang pagsikat ni Sen. Benigno ”Noy­noy” Aquino III, partikular ang mga politikong naghihingalo ang kandidatura bago pa man magsimula ang kampanya.

Ganito ang paniniwala ng isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan sa gitna ng napipintong pagsama sa LP ni Rep. Teofisto Guingona III na kasapi ng Nacionalista Party (NP) ni Sen. Manuel Villar.

“Lima singko ngayon ang mga balimbing lalo na ang mahihinang mga kandidato. Talagang ganyan sa pulitika, napakaraming political butterflies na dapat pag-ingatan ng publiko,” anang source.

Base sa mga ulat, maluwag sa loob na tinanggap ni Villar ang paglipat ni Guingona sa LP bilang bahagi ng demokrasya sa NP.

Kabilang si Guingona sa mga pumoposturang tatakbo sa Senado na lubhang napaka-baba ang survey.

Magugunitang anak si Guingona ni dating Vice President Teofisto Guingona Jr. na itinalaga sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo noong 2001 matapos mapatalsik sa kapangyarihan si dating Pangulong Joseph Estrada sa tulong ng civil society na pangunahing tagasuporta ng LP.

Si dating Vice Pres. Guingona rin ang nanguna noong senador pa lamang para patalsikin sa kapangyarihan si Estrada hanggang maitalaga si Pangulong Arroyo sa posisyon at abandonahin rin kinalaunan ang pamahalaan at muling nakipagbati kay Estrada. (Butch Quejada)

Show comments