300,000 squatters aalisin
MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 300,000 squatters sa Manggahan floodway na sumasakop sa Pasig City, Metro Manila; Cainta at Taytay sa lalawigan ng Rizal ang pinaplano ng pamahalaan na ilipat ng lugar upang hindi na maulit pang muli ang delubyo ng flashfloods na idinulot ng bagyong Ondoy.
Ayon kay Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council (NDCC) Chairman Gilberto “Gibo“ Teodoro Jr., lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat na ang wala sa lugar na pagtatapon ng basura ng mga ‘illegal settlers‘ partikular na sa Manggahan floodway ang sanhi ng pagbabara ng daluyan ng tubig kaya kahit nakaalis na sa bansa ang bagyong Ondoy ay hindi pa rin humuhupa ang baha.
“Kung ito ang solusyon sa problema, dapat nga silang ihanap ng relocation site, madadaan naman yan sa dialogue,“ ani Teodoro nang matanong sa posibleng pagmamatigas na umalis sa lugar ng pamilya ng mga squatters.
Partikular na dumanas ng grabeng pagbaha ay ang Cainta at Taytay sa Rizal; Pasig City gayundin ang Marikina City.
Sa kasalukuyan ay kalbaryo pa rin ang dinaranas ng mga residente sa mga lugar na hindi pa rin bumababa ang tubig baha kabilang na ang lungsod ng Pasig at Cainta kung saan ay tinataga ang mga biktima ng singil ng mga bangkero mula P50-P100.
Kabilang sa mga lugar na inirekomendang gawing relocation site ay ang mga ligtas na lugar sa lalawigan ng Laguna, Rizal at Bulacan.
Ani Teodoro, kailangang ang relocation site, bukod sa ‘accessible area’ ay dapat na ligtas sa mga ililipat na squatters.
Samantala, umaabot na sa mahigit P10.55 bilyong halaga ang pinsala sa magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng na humagupit sa bansa.
- Latest
- Trending