MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Nacionalista Party Spokesperson at dating Cavite Rep. Gilbert Remulla si Senador Jamby Madrigal na mas pagkaabalahan ang mga biktima ng mga bagyong Ondoy at Pepeng kaysa sa kontrobersyal na double insertion sa budget ng C5 Road na isa nang patay na usapin.
Ginawa ni Remulla ang hamon dahil sa paghirit umano ni Madrigal ng isa pang pagdinig ngayong Martes ng mataas na kapulungan sa C5 na isinasangkot kay NP President at Senador Manny Villar.
Sinabi ni Remulla na isang patay na isyu na ang C5 na pilit binubuhay ni Madrigal.
Sa isang taon anyang pagbusisi sa isyu, walang napatunayang budget insertion at project diversion sa naturang proyekto at lumalabas na puro kasinungalingan ang mga paratang.
Dapat din anyang humingi ng paumanhin sina Madrigal at Sen. Panfilo Lacson kay Villar at i-reimburse ang Senado sa milyon milyong nasayang sa wala namang katuturan at puro pulitika lang na C5 hearings.
Habang inuupakan si Villar ng kanyang mga kalaban sa pulitika, namamalagi naman siya sa mga evacuation center at tumutulong sa mga biktima ng kalamidad.
Binanggit pa ni Remulla na, sa ika-18 pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, iginiit ng mga testigo na walang anomalyang kinasasangkutan ng kumpanya ni Villar. (Butch Quejada)