MANILA, Philippines - Binuweltahan kahapon ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Edgar Manda si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Lito Atienza na unahin muna ang pagsugpo sa mga iligal na pagtotroso at pagmimina na mas malaki umano ang kontribusyon sa mga pagbabaha sa mas malaking bahagi ng Pilipinas.
Ito’y makaraang bantaan ni Atienza si Manda na kakasuhan ng “dereliction of duty” dahil sa pagkabigo na matanggal ang mga iligal na fishpen sa 90,000 ektaryang Laguna de Bay na siya umanong sanhi ng matinding pagbabaha sa mga lungsod na karatig ng lawa nitong nakaraang bagyong Ondoy.
Sinabi ni Manda na karapatan at nasa otoridad ni Atienza ang pagsasampa ng kaso sa kanya ngu-nit dapat rin umanong tignan nito ang iba pang mga problema sa DENR na hindi nito nasosolusyunan tulad ng talamak na illegal mining at logging na sanhi ng pagkakalbo ng mga bundok.
Sinabi ni Atienza na inupuan at tinulugan lamang ni Manda ang kanyang direktiba kaya’t huli na para maiwasan ang nangya-ring delubyong hatid ng bagyong Ondoy.
Ikinatwiran naman ni Manda na kakulangan sa pondo buhat sa DENR ang dahilan kaya hindi niya magawang mapaalis ang mga fishpen sa lawa ng Laguna at kawalang-kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Anya, hiniling na niya sa DENR na magtanim ng mga kawayan sa mga pampang ng Laguna de Bay upang makatulong sa pagsipsip ng tubig ngunit hindi naman ito naaksyunan ni Atienza.
Kabilang sa mga bayan at lungsod na naapektuhan ng matinding baha sa paligid ng Laguna de Bay ang Taguig, Paranaque, Pateros, Muntinlupa, Cainta, Taytay, Angono, sa lalawigan ng Rizal at parte ng lalawigan ng Cavite. (Danilo Garcia)