Pinoy dapat magnilay sa sunud-sunod na kalamidad
MANILA, Philippines - Dapat umanong magnilay-nilay ang mga mamamayan upang mabatid ng mga ito ang tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng sunud-sunod na kalamidad na nananalasa sa bansa, na habang tumatagal ay patuloy na dumarami at mas nagiging mapaminsala.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat na tanungin ng mga ma mamayan ang kanilang sarili kung posibleng ang mga kalamidad na nagaganap ngayon sa Pilipinas tulad ng mga bagyo, baha, pagsabog ng mga bulkan, at iba pang krisis, ay mga “babala” ng Panginoon kaugnay sa kinabukasan ng Pilipinas at sa kahihinatnan ng nalalapit na halalan.
Sa isang pastoral letter na nilagdaan ni CBCP President at Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo, sinabi nito na dapat ring itanong natin sa ating sarili kung may koneksiyon ba ang mga korapsyon at kasinungalingan, pagkawala ng integridad at lumalalang pagkasira ng moralidad at moral values ng kasalukuyang pamahalaan, sa mga nagaganap na kalamidad sa bansa.
Iginiit rin naman ni Lagdameo na ang mga pinsala ng dulot ng bagyo ay hindi dapat na tingnan ng mga tao bilang parusa ng Panginoon, at sa halip ay bunga ng moral evil at pagsira ng tao sa daigdig na likha ng Diyos.
Kasunod nito, umapela rin naman ang CBCP, hindi lamang ng materyal na tulong para sa mga biktima ng bagyong Ondoy, kundi maging ng panalangin, repentance at penance. (Mer Layson)
- Latest
- Trending