MANILA, Philippines - Matinding hagupit ang ibinigay kahapon ng bagyong Pepeng sa lalawigan ng Cagayan matapos na mag-landfall dito at nagdulot ng blackout, pagliliparan ng yero ng bahay, billboards at pagkatumba ng mga puno at poste.
Ayon kay Police Regional Office Director Chief Supt. Roberto Damian, 2,500 pamilya ang kanilang inilikas base pa rin sa preemptive evacuation na iniutos ng National Disaster Coordinating Council (NDCC). Maaga din inilikas ang mga residenteng nasa coastal area at paanan ng bundok.
Dakong alas 2:48 pa lang ng hapon ay nag-landfall na ang bagyong Pe peng kumpara sa inaasahan ng PAGASA na ito ay mananalasa sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-9 ng gabi kahapon kung saan may dalang 175kph at hangin na 210 kph at mga pag-ulan.
Ayon pa sa NDCC, naputol din ang mga linya ng komunikasyon at kuryente dito matapos na mabuwal ang mga puno at poste. Marami din kabahayan ang tinanggalan ng bubong ni Pepeng.
Una ng itinaas ang signal No. 3 sa Batanes Group of Island, Cagayan, Babuyan Island, Calayan Island, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga at Northern Isabela. Napaulat din na dalawa ang nasawi sa bagyo.
Signal number 2 naman sa nalalabing bahagi ng Isabela, Ilocos Sur, Mt. Province, samantalang signal no. 1 sa La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Nueva Ecija at Eastern Pangasinan.
Samantala, pinalad naman ang mga taga-Metro Manila na hindi matikman ang lupit ni Pepeng matapos na lumihis ito ng direksyon nang higupin ng high pressure area na malapit sa bansang Taiwan.
Ngayong Linggo, si Pepeng ay inaasahang nasa layong 70 kilometro hilagang kanluran ng Aparri, Cagayan o nasa 50 kilometro timog kanluran ng Calayan Island at sa Lunes ay inaasahang nasa layong 120 kilometro kanluran ng Basco, Batanes at nasa layong 200 kilometro ng hilaga hilagang kanluran ng Basco, Batanes.