MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ni Pangulong Arroyo sa state of calamity ang buong bansa bilang paghahanda sa posibleng magiging dulot ng super typhoon Pepeng.
Inatasan na rin ng Pangulo sa ginanap na emergency Cabinet meeting ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang lahat ng local disaster coordinating council upang ilikas agad ang mga residenteng nasa mababang lugar at tabing dagat o ilog upang maiwasan ang anumang panganib.
Ginawa ng Pangulo ang hakbang na ito matapos iulat ng PAGASA na may taglay na lakas ng hangin na 195 KPH at bugso ng hangin na 230 KPH ang super bagyo na patungong Northern Luzon.
Inaasahan na ang landfall ng super typhoon Pe peng ay sa Aurora-Isabela area ngayong tanghali kaya pinag-iingat ng PAGASA ang publiko dahil sa idudulot nito sanhi ng malakas na hangin at pag-ulan nito.
Iginiit pa ng Pangulo, dapat ngayon pa lamang ay sinisimulan na ng LGUs at NDCC ang paglilikas ng mga residente na nasa danger zone.
Ayon naman kay Press Secretary Cerge Remonde, idineklara ang state of calamity para magamit agad ng mga LGUs ang kanilang 5 percent na calamity fund at magpatupad ng price control para hindi makapagsamantala ang mga ilang negosyante sa panahon ng kalamidad.
Samantala, umabot na sa 293 katao ang naitalang patay ng NDCC sa nakalipas na bagyong Ondoy, lima ang nasugatan at 42 pa ang nawawala.