Pepeng papalo sa signal number 4
MANILA, Philippines - Malamang na pumalo sa signal number 4 ang lakas ng bagyong Pepeng sa ilang lugar sa Northern Luzon dahil sa lakas ng hanging dala nito na umaabot sa 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna na may pagbugso hanggang 230 kilometro bawat oras.
Si Pepeng ay inaasahang babagsak sa lupa sa Aurora-Isabela area ngayong araw ng Sabado. ”Dahil nananatili ang lakas ng hangin at 195 kph, it’s still very much possible itataas ang Signal No. 4 habang ito ay papalapit sa Northern Luzon area…… Under storm signal No. 4, very strong winds of more than 185 kph may be expected in at least 12 hours,” pahayag ni Prisco Nilo, director ng Philippine Ath mospheric Geophysical and Atronomical Services (PAGASA) sa isang press conference kahapon.
Sinasabing kung ang bagyong Ondoy ay may dalang malakas na buhos ng ulan kayat binaha ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan, si Pepeng ay may malakas na hanging taglay.
Kapag signal number 4 umano ay kaya nitong iangat ang isang bahay, patumbahin ang maraming bilang ng mga puno at kayang sumira ng mga kabahayan at gusali gayundin ay mawawalan ng linya ng kuryente at signal ng telepono.
Nakataas na ang signal no.3 sa Catanduanes.
Signal no. 2 sa Cagayan, Camarines Norte, Camarines Sur, Northern Quezon, Aurora, Quirino, Polillo Islands at Isabela.
Signal no.1 naman sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Apayao, Kalinga, Calayan, Babuyan Islands, Mt. Province, Ifugao, Benguet, La Union, Nueva Vizcaya, Quirino, Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Pampanga, Bulacan, Laguna, Rizal, Southern Quezon, Marinduque, Albay, Sorsogon, Burias Island, Cavite, Batangas, Bataan at Metro Manila.
Si Pepeng ay namataan ng PAGASA sa layong 180 kilometro silangan hilagang silangan ng Virac, Catanduanes.
Ngayong Linggo, si Pepeng ay inaasahang nasa layong 60 kilometro timog kanluran ng Laoag City at sa Lunes ng umaga ay inaasahang nasa layong 380 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Laoag City.
Tinaya ni Nilo na ang 20 porsiyento lamang ng Central Luzon ang maapektuhan ng bagyong Pepeng. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending