'Pepeng' nasa bansa na
MANILA, Philippines - Nasa bansa na ang bagyong Pepeng at nagbabanta sa Surigao City.
Alas-5 ng hapon kahapon, namataan ng PAGASA si Pepeng sa layong 940 kilometro silangan ng Surigao City taglay ang pinakamalakas na hanging 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 150 kilometro bawat oras.
Si Pepeng ay patuloy na kumikilos sa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 22 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, ang Northern Luzon, Visayas at Mindanao ay patuloy na makakaranas ng mga pag-uulan at ang nalalabing bahagi ng bansa ay maulap ang kalangitan na may kalat-kalat na pag ulan. Ang karagatan ay katamtaman hanggang sa maalon.
Sinabi ni PAGASA director Prisco Nilo na ngayong may bagyo na naman ay dapat na maghanda ang bawat isa upang hindi na maulit ang matinding epekto ng kalamidad.
Hindi niya anya masasabi kung matinding ulan ang dala ni Pepeng. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending