MANILA, Philippines - Bunsod ng matinding gutom, hinaharang at binabato na ng mga umano’y evacuees ang mga truck na nagdadala ng mga relief goods sa Rizal, lalo na sa mga lugar na hindi pa naaabot ng tu long.
Ayon kay Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council Chairman Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., kinukuyog na ang mga truck na nagdadala ng mga pagkain at iba pang uri ng supply para sa mga biktima ni Ondoy.
“We received reports na binabato, hinaharang at kinukuyog na ang truck ng mga nagbibiyahe ng relief goods sa Cainta, Taytay area, posible mga evacuees din ito na gutom na talaga o maari ring ibang grupo.” ani Teodoro.
Ipinaliwanag ni Teodoro na may ilang lugar sa Cainta at Rizal na hindi pa rin mapasok ng relief operation dahil mataas pa rin ang tubig baha, kaya napipilitan ang mga kalalakihan dito na kuyugin at harangin ang mga truck na may dalang relief goods para may makain.
Nanawagan din si Teodoro sa mga civilian volunteer group na patuloy na makipagkoordinasyon para mahatiran agad ng relief goods ang mga biktima sa naturang mga lugar, kasabay ang pagbibigay ng security escorts sa mga truck ng relief goods habang ang tropa ng militar ay magsasagawa naman ng clean-up drive, lalo na sa bahagi ng Cainta.
Inatasan naman ni Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena dakong alas-7:30 ng umaga na paliparin na ang mga Huey helicopters para maghatid ng mga relief goods sa mga lugar na hindi mapasok ng mga truck.
Samantalang maging ang mga truck ng Phil. Air Force at Phil. Army ay ginamit na rin para tumulong sa paghahatid ng mga relief goods.