Palasyo ginawang evacuation center
MANILA, Philippines - Ginawa na ring evacuation center ang Malacañang Palace matapos itong iutos ni Pangulong Arroyo kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na magiging katulong ni Presidential Management Staff chief Hermogenes Esperon Jr. ang anak ng Pangulo na si Evangeline Lourdes “Luli” Arroyo-Bernas kasama ang mga hipag nitong sina Angela Montenegro-Arroyo at Maria Victoria “Kakay” Manotok-Arroyo. sa pangangasiwa ng national relief operations center.
Ayon naman kay Pa ngulong Arroyo, ang pagkakaisa ang mahalaga sa panahong ito ng kalamidad kaya inialok niya mismo ang Palasyo para maging pansamantalang tuluyan ng mga kababayang nasalanta ng bagyong Ondoy at dumanas ng matinding pagbaha.
Iginiit pa ng Pangulo, tuloy-tuloy ang ginagawang pagtutok ng gobyerno upang mailigtas ang nalalabing biktima ng bagyo na hanggang ngayon ay nasa bubungan pa rin ng kanilang bahay at nakalubog sa tubig baha ang kanilang mga bahay.
Samantala, nagsagawa ng voluntary fund drive ang mga empleyado, staff at mga kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para tulungan ang mga nasalanta ni Ondoy.
Magbibigay ang mga kongresista ng hindi bababa sa P20,000 kada isa para sa mga biktima ni Ondoy.
Sa Office of the Secretary General ang drop center ng lahat ng mga donasyon na ibibigay ng mga empleyado, staff at mga kongresista para sila naman ang mamamahagi nito sa mga bitkima ng bagyo. (Rudy Andal/Butch Quejada)
- Latest
- Trending