MANILA, Philippines - Naglaan ng P3 bilyong pondo ang Pagibig o Home Development Mutual Fund para sa “calamity loan” na kanilang binuksan ngayon sa mga miyembro nito na biktima ng delubyo na idinulot ng bagyong “Ondoy”.
Sinabi ni Jaime Fabiana, executive director ng Pagibig Fund, na magtatayo rin sila ng kanilang mga “satellite offices” sa mga lugar na lubog pa sa baha upang hindi na mahirapan ang kanilang mga miyembro para sa kanilang aplikasyon.
Mas pinadali na rin ng Pagibig ang aplikasyon kung saan tinanggal na nila ang dating hinahanap na sertipikasyon buhat sa opisyal ng barangay na nagpapatunay na sila ay biktima ng kalamidad.
Maaari umanong makautang ang mga miyembro ng hanggang 80 porsiyento ng kabuuang savings ng kanilang kontribusyon at ng kanilang employer. Kung may kasalukuyang utang na binabayaran naman ang miyembro, maaaring idagdag na lamang ang bagong uutangin sa balance upang maka-avail ito ng calamity loan.
Sinabi rin ni Fabiana na kanilang tutulungan ang mga miyembro na kumuha ng “housing loans” sa kanila na nasiraan ng bahay na binili dahil sa covered naman ito ng “insurance”.
Babayaran ang calamity loan sa loob ng 24 na buwan ngunit bibigyan nila ito ng limang buwan na “grace period” kung saan hindi muna sisingilin ang mga uutang na miyembro upang makabawi muna ang mga ito sa kanilang dinanas na delubyo.
Bukas ang lahat ng sangay ng Pagibig Fund sa Metro Manila at Luzon upang tumanggap ng mga aplikasyon.
Maaari ring makatawag ang mga miyembro sa iba pang impormasyon sa kanilang hotline number na 724-4244. (Danilo Garcia)