'Brownout sa ilang binahang lugar matatagalan pa' - Meralco

MANILA, Philippines - Umapela kahapon ang Manila Electric Company sa mga residente na grabeng naapektuhan ng agos-baha sa Metro Manila at iba pang mga lugar na bigyan sila ng sapat na panahon dahil matata­galan pa bago maibalik ang normal na suplay ng kuryente sa mga ito.

Ayon kay Joe Zalda­riaga, External Communications Manager ng Me­ralco, hindi pa maaring ibalik ang suplay ng kur­yente sa mga lugar kung saan mataas pa rin ang tubig baha.

Bukod dito ay kaila­ngang ayusin muna ang mga nasirang kable at circuits na dadaluyan ng supply ng kuryente.

Una rito, sa kasag­sagan ng pananalasa ng bagyong Ondoy ay napi­litang maglambitin sa mga punong kahoy at maging sa mga kable ng kuryente ang ilang mga residente sa mga lugar na sinalanta ng baha na bukod dito’y dumanas pa ng brownout.

Sinabi ng opisyal na marami pa ring mga lugar tulad sa lungsod ng May­nila, Marikina at Pasig at ma­ging ang lalawigan ng Rizal at ilang bahagi ng Bu­lacan partikular sa bayan ng Plaridel ang nasira ang mga circuits ng kuryente.

Pilit namang ipinaba­balik sa normal ng mga pribadong kumpanya ang suplay ng kuryente at komunikasyon sa Metro Manila at karatig na lala­wigan makaraang masira rin ng pagbaha dulot ng bagyong Ondoy ang ka­nilang mga pasilidad at mga teknolohiya.   (Joy Cantos at Danilo Garcia)

Show comments