Nasawi kay 'Ondoy' aabot sa 200
MANILA, Philippines - Pinangangambahang umabot sa humigit kumulang sa 200 katao o higit pa ang nasawi sa delubyo ng hagupit ng malakas na bagyong Ondoy matapos sakmalin ng malawakang agos-baha at blackout noong Sabado ang Metro Manila at karatig na mga lalawigan.
Iniulat ng National Disaster Coordinating Council na 86 katao ang nasawi kabilang ang pito sa National Capital Region, isa sa Cabugao, Apayao, 22 sa Region III kasama ang 10 sa Bulacan at 12 sa Arayat, Pampanga; 56 sa Region IV A (isa sa Calaca, Batangas; isa sa Calauag, Quezon; 23 sa Tanay, Rizal; 10 sa Angono; lima sa Baras; tatlo sa Montalban at isa sa Teresa sa Rizal; dalawa sa Cavite at lima sa Laguna.
Gayunman, sinabi ni Defense Secretary at NDCC Chairman Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr. na hindi pa kasama sa 86 bilang ang 25 pang nasawi sa Quezon City; 58 sa Marikina City at 17 sa Antipolo City o nasa 186 katao.
Si Teodoro at iba pang mga opisyal ay nagsagawa ng aerial survey sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ondoy kahapon kabilang na ang Metro Manila at Pampanga.
Iniulat naman ng Parish Pastoral Council ng San Isidro at ng mga lokal na opisyal na nasa 36 katao ang nasawi sa malakas na agos ng tubig baha sa Barangay Silangan, Quezon City malapit sa Batasang Pambansa habang nasa 100 pa ang nawawala.
Marami pa rin ang pinaghahanap at pinaniniwalaang nasawi sa flashflood sa mga lugar na naapektuhan ng grabeng pagbaha.
Ayon sa isang opisyal ng Philippine Army, nasa 100 katao ang tinangay ng rumaragasang tubig-baha sa Barangay Tabing-Ilog sa Tanay, Rizal na magpahanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ng kanilang pamilya. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending