Klase suspindido!

MANILA, Philippines - Inirekomenda ni Defense Secretary at Chairman ng National Disaster Co­ordinating Center (NDCC) Gilbert ‘Gibo’ Teodoro na suspindihin ang mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at Region 4-A partikular sa Rizal province kahit na umalis na ang bagyong si ‘Ondoy” sa bansa dahil may ilang mga lugar pa ang hindi puwe­ deng daanan ng mga sa­sakyan dahil sa nilikhang baha.

“Kailangan hindi mag-isip at malito ang mga magulang at mga estud­yante sa lahat ng antas kung may pasok o wala ngayon dahil minabuti ko ng suspindihin ang klase,” sabi ni Teodoro.

Ang pagsususpinde ay dahil din sa patuloy na nararanasang “state of calamity” dulot ng matin­ding pagbabaha, at landslides kung saan gina­gamit naman ang mga pa­aralan bilang mga “evacuation centers” sa maraming lugar.

Kahit lumabas na ng Pilipinas si Ondoy, sinabi ni Gibo na marami pa ring mga problema ang dapat tukuyin partikular ang mga naapektuhan pamil­ya sa Marikina City, Cain­ta, Pasig City, San Mateo at ilan pang mga lugar kaya naman dito naka-focus ang mga rescue team para tulungan ang mga nasalanta na hanggang sa ngayon ay nasa mga bubungan pa rin ng kani­lang mga bahay at wa­lang makain.

Sabi ni Teodoro, pati siya ay naapektuhan ng pagbaha sa kalye ng hindi na makayanan ng kan­yang sasakyan ang taas ng tubig sa may EDSA kaya ang ginawa nito ay sumakay na lamang ng MRT hanggang sa may Camp Aguinaldo at nag­lakad na lamang ito hang­gang sa kanyang opisina noong Sabado.

“Hanggang baywang ko ang tubig sa loob ng Camp Aquinaldo kaya naramdaman ko at nara­nasan din ang hirap na nararamdaman ng ating mga kababayan na na­apektuhan ng tubig baha,” ani Teodoro.

Naging mahirap para sa rescue team ang pu­masok sa mga lugar na lubog sa tubig baha dahil ang mga sasakyan nito ay naipit din sa trapiko na hindi na gumagalaw sa tindi ng taas ng tubig.

Sinabi pa ni Teodoro, hindi sila makapagpali­pad ng helicopter para ma-access ang lugar at mga taong nasa bubu­ngan para masaklolohan sila dahil zero visibility noon kamakalawa kaya binigyan na lamang nito ng kautusan ang mga rescue team partikular ang Phil. Army, Phil. Navy at Airforce na makipagtu­lungan para iligtas at mapakain ang mga pamil­yang binaha sa kani-kanilang lugar.

“History ang bagyong si Ondoy pinalubog nito ang halos lahat ng apek­tadong lugar na dinaanan nito at record high ang ginawa ng bagyo dahil ngayon lamang narana­san ang taas ng tubig sa mga lugar na naapek­tuhan,” dagdag ng kalihim.

Si Teodoro, ay binig­yan ng basbas ni Pangu­long Arroyo para ideklara ang ilang lugar kabilang ang Metro-Manila sa ilalim ng State of Calamity.

Ang Commission on Higher Education ay na­una nang nagdeklara ng suspensyon ng klase sa tertiary levels sa National Capital Region at Cala­barzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Que­zon) area.

Samantala, balik sa nor­mal ang operasyon ng International at domestic flights patungong sa iba’t-ibang lugar sa tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.

Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Al Cusi, may mga kinan­selang flight sa domestic at internatio­nal noon Sa­bado dahil sa tindi ng bag­yo. (May ulat nina Ricky Tulipat, Rudy Andal, Danilo Garcia at Doris Franche)

Show comments