Klase suspindido!
MANILA, Philippines - Inirekomenda ni Defense Secretary at Chairman ng National Disaster Coordinating Center (NDCC) Gilbert ‘Gibo’ Teodoro na suspindihin ang mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at Region 4-A partikular sa Rizal province kahit na umalis na ang bagyong si ‘Ondoy” sa bansa dahil may ilang mga lugar pa ang hindi puwe deng daanan ng mga sasakyan dahil sa nilikhang baha.
“Kailangan hindi mag-isip at malito ang mga magulang at mga estudyante sa lahat ng antas kung may pasok o wala ngayon dahil minabuti ko ng suspindihin ang klase,” sabi ni Teodoro.
Ang pagsususpinde ay dahil din sa patuloy na nararanasang “state of calamity” dulot ng matinding pagbabaha, at landslides kung saan ginagamit naman ang mga paaralan bilang mga “evacuation centers” sa maraming lugar.
Kahit lumabas na ng Pilipinas si Ondoy, sinabi ni Gibo na marami pa ring mga problema ang dapat tukuyin partikular ang mga naapektuhan pamilya sa Marikina City, Cainta, Pasig City, San Mateo at ilan pang mga lugar kaya naman dito naka-focus ang mga rescue team para tulungan ang mga nasalanta na hanggang sa ngayon ay nasa mga bubungan pa rin ng kanilang mga bahay at walang makain.
Sabi ni Teodoro, pati siya ay naapektuhan ng pagbaha sa kalye ng hindi na makayanan ng kanyang sasakyan ang taas ng tubig sa may EDSA kaya ang ginawa nito ay sumakay na lamang ng MRT hanggang sa may Camp Aguinaldo at naglakad na lamang ito hanggang sa kanyang opisina noong Sabado.
“Hanggang baywang ko ang tubig sa loob ng Camp Aquinaldo kaya naramdaman ko at naranasan din ang hirap na nararamdaman ng ating mga kababayan na naapektuhan ng tubig baha,” ani Teodoro.
Naging mahirap para sa rescue team ang pumasok sa mga lugar na lubog sa tubig baha dahil ang mga sasakyan nito ay naipit din sa trapiko na hindi na gumagalaw sa tindi ng taas ng tubig.
Sinabi pa ni Teodoro, hindi sila makapagpalipad ng helicopter para ma-access ang lugar at mga taong nasa bubungan para masaklolohan sila dahil zero visibility noon kamakalawa kaya binigyan na lamang nito ng kautusan ang mga rescue team partikular ang Phil. Army, Phil. Navy at Airforce na makipagtulungan para iligtas at mapakain ang mga pamilyang binaha sa kani-kanilang lugar.
“History ang bagyong si Ondoy pinalubog nito ang halos lahat ng apektadong lugar na dinaanan nito at record high ang ginawa ng bagyo dahil ngayon lamang naranasan ang taas ng tubig sa mga lugar na naapektuhan,” dagdag ng kalihim.
Si Teodoro, ay binigyan ng basbas ni Pangulong Arroyo para ideklara ang ilang lugar kabilang ang Metro-Manila sa ilalim ng State of Calamity.
Ang Commission on Higher Education ay nauna nang nagdeklara ng suspensyon ng klase sa tertiary levels sa National Capital Region at Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) area.
Samantala, balik sa normal ang operasyon ng International at domestic flights patungong sa iba’t-ibang lugar sa tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Al Cusi, may mga kinanselang flight sa domestic at international noon Sabado dahil sa tindi ng bagyo. (May ulat nina Ricky Tulipat, Rudy Andal, Danilo Garcia at Doris Franche)
- Latest
- Trending