Barangay tanod tatanggalin na
MANILA, Philippines - Unti–unti nang tatanggalin ang mga tanod sa mga barangay sa buong bansa, ayon kay Sr. Supt. Agrimero Cruz, pinuno ng Research Department ng Directorate for Police Community Relations ng Philippine National Police.
Nilinaw naman ni Cruz na, bagaman mawawala na ang mga tanod, ipakikilala naman ng PNP ang Barangay Peacekeeping Action Team na siya namang magiging katuwang ng pulisya bilang mga force multipliers sa pagmamantine ng peace and order sa mga komunidad.
Sinabi pa ni Cruz na nasa ilalim pa rin ng pamunuan ng isang barangay ang control o hurisdikyon sa BPAT at ang tanging papel lamang ng PNP ay ang umakto bilang co-supervisor.
Ayon pa sa opisyal, ang unti-unting pagtanggal sa barangay tanod ang mas magpapataas ng propesyunalismo nito sa ilalim ng BPAT.
Nabatid na ang mga kuwalipikadong maging kasapi ng ipinakikilalang BPAT ay mula sa iba’t-ibang sectoral group tulad ng mga guro, engineer, at doctor. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending