MANILA, Philippines - Nakahanda si Senator Panfilo “Ping” Lacson na makipag-tulungan sa pamilya ni Edgar Bentain, ang dating Pagcor employee na dinukot dahil sa pagli-leak ng video ni dating Pangulong Joseph Estrada habang nagsusugal, kung sasampahan nila ng kaso ang dating pangulo.
Hinamon ni Lacson ang pamilya ni Bentain na kasuhan si Estrada kung nais nilang mabigyan ng katarungan ang nangyari sa kanilang kapamilya.
“Of course. They are challenging me to bring them to court. So I’ll take up the challenge,” sabi ni Lacson.
Naniniwala si Lacson na nasa kamay ng pamilya Bentain ang desisyon na habulin ang kaso para makamit ang hustisya.
Ayon pa kay Lacson, handa rin siyang tulungan na maging state witness ang dating police officer na may kinalaman sa pagdukot kay Bentain upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagkawala nito.
Magugunitang sinabi ni Lacson na isang emisaryo ng police officer ang nagtungo sa kanya upang aminin ang direktang partisipasyon sa pagdukot kay Bentain.
Pero wala umanong kinalaman sa paglikida kay Bentain ang nasabing police officer dahil ibinigay umano nila sa ibang grupo ang biktima matapos itong dukutin.
Tumanggi naman si Lacson na pangalanan ang lumapit sa kaniya pero kinumpirmang isa itong retiradong police officer.