MANILA, Philippines - Mahigit limang milyong pangalan ng botante ang inalis ng Commission on Elections sa kanilang voters’ list kasunod nang isinagawa nilang massive clean-up.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, umabot sa 5,584,449 pangalan ang natanggal nila sa listahan kabilang na ang mga nabigong makaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon, nagkaroon ng foreign citizenship, nahatulan ng korte, at ang mga nasawi na.
Umabot naman aniya sa 2,653,594 ang mga bagong botante na nakapagparehistro sa Comelec.
Dahil dito, nasa 44 milyon na ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa.
Ayon kay Sarmiento, inaasahan ng Comelec na aabot sa 47 milyon ang kabuuang bilang ng mga botante sa bansa bago ang deadline ng pagpapare histro sa Oktubre 30, 2009.
Bibigyan nila ng kopya ng voters’ list ang election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Kasabay nito ay hinikayat rin naman ni Sarmiento ang mga hindi pa nakakapagparehistro na samantalahin ang nalalabing panahon upang makapagpa-register sa Comelec at makaboto sa 2010. (Mer Layson)