Merger ng Lakas-Kampi nakabitin
MANILA, Philippines - Bunga ng inaasahang magiging problema sa merger ng partidong Lakas-Kampi-CMD, pinaghahandaan na ng partido ng Kampi ang legal na isyu patungkol dito.
Sa ginanap na caucus ng kanilang partido kahapon, sinabi ni DILG Secretary Ronnie Puno na may inihahanda na silang paraan para maresolba ang problemang kakaharapin nila sa sandaling umabot na sa deadline ang pagpapalabas ng Commission on Election para kilalanin ang bagong partidong Lakas-Kampi-CMD na pinangungunahan ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro.
Sinabi ni Puno, kung hindi magiging paborable ang desisyon ng komisyon sa naturang partido bago tuluyang umabot sa deadline sa Nobyembre 30, dedesisyunan na nilang maging opisyal na partido ang Kampi.
Wala din anyang magiging problema sa kampo ni Teodoro ang naturang isyu dahil dati na itong nasa Lakas na kabilang sa administrasyon.
Tiniyak din ni Puno na magtutulong ang dalawang partido upang masigurong makukuha nila ang pagkapanalo sa darating na eleksiyon sa pagsasabing “sa ngayon tumataas na sa 8 porsiyento ang rating ni Gibo.” (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending