MANILA, Philippines - Posibleng hindi na ituloy ng mga pribadong ospital sa bansa ang pagdadagdag ng singil sa service fees matapos ang pakikipagpulong ng Department of Health (DOH) sa Philippine Hospitals Association of the Philippines (PHAP) kahapon.
Sinabi ni Health Undersecretary Alexander Padilla na marami sa kinatawan ng mga pribadong ospital ang nalinawan na sa isyu at posibleng magdalawang-isip na ang mga ito kung itutuloy pa ang dagdag na 10 porsyentong singil sa mga serbisyo sa pasyente.
Kabilang sa napag-usapan ang rebates o pagsalo ng pharmaceutical companies sa mga ibinigay nilang diskwento sa essential medicines na ipinatutupad ng pamahalaan alinsunod sa Cheaper Medicines Act na nagsimula noong Agosto 15.
Sinabi ni Padilla na tutuparin naman ng drug companies ang pangako sa in-house pharmacies ng mga pribadong ospital na mare-imburse ang kaltas presyo.
Dahil dito, maaring iurong na rin ng pamahalaan ang bantang pagpapabukas ng libro ng mga pribadong ospital upang patunayan kung sila ay nalulugi dahil sa price-cut ng mga gamot. (Ludy Bermudo/Doris Franche)