'Casino tape ni Erap walang bayad'
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office Chairman Manuel Morato na binaya ran niya ang video tape na nagpapakita kina dating Pangulong Joseph Estrada at kaibigan nitong si Charlie “Atong” Ang habang naglalaro ang mga ito sa isang bacarrat table sa Silahis Hotel (Grand Boulevard Hotel) sa Pasay City.
Si Morato ang unang nagbunyag sa video bago idinaos ang halalang pampanguluhan na pinanalunan ni Estrada noong 1998.
Ang tape ay ibinigay kay Morato ni Edgar Bentain na technician noon ng closed circuit television ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
“Tinawagan muna ako ni Bentain sa telepono at sinabing may ibibigay siya sa akin. Pinuntahan niya ako sa bahay at ibinigay niya ang tape. Hindi ko kailanman siya binigyan ng pera. Kung may tinang gap siya, tiyak na hindi iyon galing sa akin,” sabi pa ni Morato sa isang panayam.
Nang tanungin kung ano ang dahilan ni Bentain at ipinuslit niya ang tape mula sa CCTV room ng Pagcor, sinabi ni Morato na ayaw ng una na mahalal si Estrada dahil sa masa mang bisyo nito.
Nagawa ni Bentain na kunan ng video si Estrada habang nagsusugal kahit marami itong bodyguard na nakabantay kahit sa CCTV room.
Kinuha ni Bentain ang opisyal na tape mula sa recording machine at nagpasok dito ng isang blangkong tape at kinunan sina Estrada at Ang sa loob ng 10 minuto.
Kasunod nito, ibinalik niya ang original tape ng Pagcor at lumabas at ibinigay ang tape sa isa niyang kasama na siyang nagpuslit nito palabas ng casino, ayon sa isang impormante.
Alam umano ni Bentain na matutuklasan din kinalaunan ang kanyang ginawa kaya hindi na siya nagpakita sa trabaho mula noon nang walang paalam at nakipag-ugnayan kay Morato.
“Nararamdaman ni Bentain na nanganganib ang kanyang buhay matapos kong ibunyag sa publiko ang tape. Nagpakita siya sa akin at nagsabing gusto niyang magtungo sa United States para hindi siya magantihan. Sa tingin ko, desperado na siya kaya binigyan ko siya ng sertipikasyon mula sa PCSO na nanalo siya sa Lotto,” paliwanag ni Morato.
Idiniin ni Morato na, bilang tagapangulo ng PCSO, puwede siyang magbigay ng sertipikasyon kahit kanino man. Sa pagkakataong ito, isang tao na maaaring patayin ang humihingi nito. Pinagbigyan niya ito para makakuha ng visa.
Idinagdag pa ni Morato na walang ginamit na pera ng PCSO para kay Bentain.
Nabatid na pagkatapos magtago at inakala niyang malamig na ang lahat, nagtungo si Bentain sa Grand Boulevard at naglaro sa pinagtrabahuhan niyang casino.
Pagkatapos magsugal, nagtungo si Bentain sa parking lot para magpahinga. Sa pagkakataong ito, dinukot siya ng mga hindi kilalang lalaki at hindi na siya nakita mula noon.
Nagpatulong sa manunulat na ito ang kapatid ni Bentain para makita siya pero walang nangyari sa personal na imbestigasyon ng una.
Maituturing lang na nakalap na mahalagang impormasyon ang tungkol sa isang pulis sa Laguna na may palayaw na Kiko at siya umanong nangasiwa sa pagdukot kay Bentain batay sa utos ng nakakataas sa kanya.
Sa kanyang privilege speech kamakailan, binanggit ni Senador Panfilo Lacson ang isang pulis sa Laguna na nagtungo umano sa Polk St., Greenhills, San Juan para ireport sa nakatira rito na nagawan na ng paraan si Bentain. Hindi binanggit ni Lacson ang pangalan ng pulis na ikinadismaya ng mga kapatid ni Bentain.
- Latest
- Trending