MANILA, Philippines - Tila hindi nasindak sa Department of Health (DOH) ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) matapos na itinuloy pa rin kahapon ng mga pribadong ospital ang pagpapataw ng dag dag singil sa kanilang service fees.
Ayon sa PHAP, anim na buwan lamang naman iiral ang 10 porsyentong dagdag sa singil sa service fees sa mga pribadong pagamutan sa bansa.
Sinabi ni Atty. Bu Castro legal counsel ng PHAP na hinihiling nila ang pang-unawa ng publiko kaugnay rito dahil labis talagang naapektuhan ang mga pribadong pagamutan matapos ipatupad ang 50 porsyentong price cut sa ilang essential medicines.
Iginiit ni Castro na mas mabuti nang magpatupad sila ng dagdag sa singil sa service fee, kaysa magtanggal sila ng empleyado o magsara ang mga on-house pharmacies sa mga ospital.
Iginiit naman ni Health Sec. Francisco Duque III na kinakailangang magpakita ng basehan ang mga pribadong ospital sa pagpapatupad nila ng service fee increase.
Duda si Duque na ikinalugi ng mga ospital ang 50% price cut sa ilang essential medicines dahil napakarami pa aniyang gamot ang ibinebenta sa mataas na halaga.
Bukod dito, sinabi ni Du que na hindi lamang naman sa mga in-house pharmacies kumikita ang mga pribadong ospital, may mga canteen pa aniya sa loob ng mga pribadong pagamutan at iba pang mapagkakakitaan. (Doris Franche)