MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Senate Pro Tempore si Senator Panfilo “Ping” Lac son na sampahan siya ng kaso sa korte kaugnay sa mga ibinunyag nito kahapon sa Senado kung saan isinasangkot siya sa ilegal na jueteng.
Sa talumpati ni Lacson kahapon, ibinunyag nito ang dalawang presidential brothers na nakakakuha umano ng P1 milyong jueteng payola buwan-buwan mula sa operator ng ilegal na sugal sa Baguio City.
Tinawagan umano ng nakakatandang anak ng presidente ang jueteng operator upang utusan na hatiin ang ibinibigay na jueteng payola sa kanilang dalawa.
“‘Yung P1M na ibinibigay mo sa kapatid ko, hatiin mo. Sa akin mo ibigay ang kalahati, baka gamitin lang pambili ng drugs ‘yung pera,” sabi umano ng nakakatandang kapatid sa operator ng jueteng.
Bukod pa umano sa nakukuhang share na P500,000 mula sa nakakabatang kapatid, nakakakuha pa rin ang nasabing “kuya” ng buwanang payola na P800,000 mula sa jueteng operator sa Bulacan, at P1 milyon mula kay dating Ilocos Sur Gov. Luis Singson.
Ibinunyag din ni Lacson ang isang pag-uusap sa telepono nina Jinggoy at ng dating kaibigan ng ama nito na si Charlie “Atong” Ang noong 2006. Nang panahong iyon, takdang pabalikin sa Pilipinas si Ang mula sa Amerika para tumestigo sa kasong plunder laban sa dating pangulo.
“Pare, kung uuwi ka, kung ano man ang plano mo, huwag mo na kaming idamay ni mommy. Si daddy na lang, kaya niya namang i-depensa ang sarili niya. May ambisyon pa ako. Magpe-presidente pa ako. Ako ang bahala sa ‘yo,” ang sabi ng lalaking nasa kabilang linya kay Ang.
Tumanggi naman si Jinggoy na i-interpelate si Lacson at sa halip ay nangako na magbibigay ng kaniyang sariling talumpati ngayon upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Samantala, iniugnay na rin ni Lacson si Estrada sa pagkamatay ni Edgar Bentain, ang casino worker na pinaniniwalaang naglabas ng video kung saan nakikitang nagsusugal sa casino si Estrada noong vice president pa lamang siya ng bansa. (Malou Escudero)