MANILA, Philippines - Ipinagtanggol kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile si dating Pangulong Joseph Estrada sa akusasyong sangkot ito sa pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Idiniin ni Enrile sa kanyang privilege speech na hindi mamamatay-tao si Estrada at inisa-isa niya ang mga mabuting katangian nito mula nang magkasama sila sa Senado noong 1987.
Dahil dito, sinabi ni Enrile na nasaktan siya habang pinapakinggan niya ang privilege speech ni Senador Panfilo Lacson noong nakaraang linggo na tumalakay sa personal na nalalaman nito sa tunay na pagkatao ni Estrada.
Limang taon anya silang magkatabi sa upuan ni Estrada sa Senado at sa buong panahon iyon ay hind niya ito nakitaan ng kayabangan at pagmamarunong.
Madalas din umanong nilalait si Estrada dahil sa kanyang pagsasalita ng Ingles at nakita niya ang kanyang pagiging totoong tao at hindi mapagkunwari.
Ikinuwento pa ni Enrile na noong 1990 ng arestuhin siya dahil sa non-existent crime na “Rebellion Complexed with Murder” sa mismong floor ng Senado, si Estrada lamang ang sumama sa kanya ng dalhin siya sa National Bureau of Investigation.
“Manong, sasama ho ako. Mahirap na baka may masamang mangyari sa inyo. Kababaril lang kay Pepe Oyson sa isang police van,” sabi umano ni Estrada kay Enrile.
“Ipagpaumanhin sana ni Senador Lacson na sa aking pagkakakilala kay Erap, hindi ako handang kagyat lang maniwala na ang dating pangulo ay isang mamamatay-tao. Marami ng kasalanan at batikos sa kanya subali’t mahirap at masakit sa akin ang isipin na siya ay isang pusakal,” sabi pa ni Enrile.
Ayon pa kay Enrile, kung may ebidensiyang magpapatunay na si Estrada ay nagkasala at ito ay mapagtitibay sa ilalim ng batas at sa harap ng hukom, hindi niya ito pagtatakpan.
“Subalit hindi ko siya iiwanan bilang kaibigan sa panibagong pagsu bok na ito,” sabi pa ni Enrile.
Umapela pa si Enrile kay Lacson na kung may basehan ang mga akusasyon kay Estrada tungkol sa kaso nina Dacer at Corbito, mas makakabuting ihain ito sa korte.
Sa korte lamang aniya mabibigyan ng “fair, impartial, at equal opportunity” si Estrada upang maipagtanggol ang kanyang sarili.