Bayarin sa ospital itataas ngayon

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagpapatu­pad ng Cheaper Medicines Law, sisimulan na rin ngayon ang pagpapatupad ng dag­dag na service fee sa mga ospital.

Ito naman ang nabatid mula kay Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines President Dr. Rustico Jimenez kasa­bay ng pahayag na mababa lamang ang naturang pag­taas na aabot sa lima hang­gang 10 porsyento at hindi kasama rito ang sa kwarto.

Ayon kay Jimenez, posib­leng tumagal lamang ito ng isa hanggang dalawang linggo lamang para mabawi ng mga ospital ang biglang pag­kalugi. Aniya, malaki ang ka­nilang pagkalugi dahil isang taon ang kanilang inventory ng mga gamot at hindi pa rin sila nababayaran ng mga pharmaceutical companies ng kani­lang rebate.

Kanilang inaalala ang mga maliliit na ospital sa mga pro­binsya na maaring magsara dahil posibleng malugi ka­sunod ng biglaang pagbaba sa halaga ng ga­mot.

Subalit ayon naman sa Department of Health, maa­ari pa ring mapigilan ng gobyerno ang balakin ng mga ospital na taasan ang kanilang mga service fee.

Ayon kay Health Under­secre­tary Alex Padilla, maa­aring makialam ang gob­yerno sakaling ituloy ng mga ospital ang kanilang banta na taasan ang mga sinisingil na fees.

Sa Malacañang, sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na dapat maging transparent ang mga ospital hinggil sa tunay na da­hilan ng pagtataas sa service fees.

Dapat anya ay magka­ roon ng dialogue ang lahat ng stake­holders dahil hindi naman ang 50 percent cut sa presyo ng 22 gamot lamang ang dahilan ng pagkalugi ng mga hospitals. (Doris Franche at Rudy Andal)

Show comments