MANILA, Philippines - Hiniling kamakailan ng Earthsavers Movement at ng Boracay Foundation sa pamahalaang Arroyo na ihinto ang pagpapagawa ng P2.5 bilyong Caticlan International Airport sa Caticlan, Aklan.
Ang naturang palirapan ang magsisilbi sa kilalang isla ng Boracay sa naturang lalawigan.
Pero pinuna ng dala wang environmental group na kulang sa environmental impact assessment at public consultation ang proyekto.
Sinabi ni Earthsavers Secretary General Roger Birosel na ilang ahensya ng pamahalaan ang nagtutulak sa proyekto nang walang environmental clearance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources. Ginamit umano sa proyekto ang lumang ECC ng kasalukuyang paliparan para mapabilis ito.
Natuklasan din ng kanyang grupo na ang papataging burol para sa paliparan ay nagsisilbing kalasag sa ulan at hanging amihan. Baka magbago anya ang klima ng panahon sa lugar kapag nangyari ito. (Butch Quejada)