MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni dating Police Superintendent Cezar Mancao, si Senador Panfilo Lacson na sumailalim sa “lie detector test” upang malaman kung sino sa kanilang dalawa ang nagsasabi ng katotohanan.
Sa pagdalo kahapon sa Balitaan sa Tinapayan, sa Dapitan, Sampaloc ni Atty. Topacio, sinabi niya na nakahanda siyang isoli ang lisensiya sa Korte Suprema at talikuran ang pagiging abugado kung siya ang matutukoy na hindi nagsasabi ng totoo subalit hinamon naman si Lacson na kung negatibo ang resulta, dapat rin umanong magbitiw sa posisyon ang senador.
Partikular na pinasinungalingan ni Lacson na siya at ang ilang supporters ni Senator Manny Villar at abogado ng pamilya Dacer na si Atty. Demetrio Custodio ang kumuha sa testigong si Lymith Bagual, ang labandera na ihaharap sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagkakasangkot niya sa Dacer-Corbito double murder case.
Iginiit pa ni Topacio na batay sa naging testimonya ng kliyente niyang si Mancao, walang direktang ebidensiya na nagsasangkot kay dating Pangulong Joseph Estrada, sa halip ay mas mabigat pa umano ang pagdadawit kay Lacson sa pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong 2000.
Mariin ding pinabulaanan ni Topacio ang alegasyon ni Lacson na siya ang nagbibigay ng impormasyon kay Senator Jinggoy Estrada.
Gayunman, inamin niya na siya ang gumawa ng statement sa Senate media na ginamit at binasa ni Jinggoy sa kanyang privilege speech ng “word for word”.
Nanawagan din si Topacio kay Lacson na magsabi lang ng totoo at kung may ebidensiya ay sa korte ito dalhin at huwag idaan sa privilege speech.