MANILA, Philippines - Nagharap sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) at mistulang nagsabong ang dalawang grupo ng mga sabungero at magmamanok na kapwa nagnanais na mabigyang akreditasyon para makalahok sa 2010 party-list elections.
Sa inihaing petition sa Comelec ng Alyansa ng mga Sabungero, hiniling nito na huwag nilang pagbigyan ang aplikasyon ng isang grupo ng poultry-raisers na Adhikain ng Magmamanok na nais ding maging isang ganap na partylist group.
Sinabi ni Nid Amima, founder ng Alyansa ng mga Sabungero na labag sa batas ang pagnanais ng grupong Adhikain na makalahok sa eleksyon dahil ang unang nominado nito upang maging kina tawan ay si Manuel “Way Kurat” Zamora na three term Representative ng First district ng Campostela Valley province.
Nilinaw ni Amima na ipinagbabawal sa ilalim ng batas na magsilbi ng mahigit sa tatlong termino o higit sa siyam na taon ang isang miyembro ng House of Representatives.
Si Way Kurat ay kasapi ng LAKAS-CMD party at unang nahalal bilang kongresista nong 2001 at na re-elect noong 2004. Ngayon ay nasa ikatlong termino na siya.
Matatandaan na umani ng batikos ang Alyansa ng mga Sabungero nang maghain ito ng petition for accreditation sa Comelec dahil ayon sa ilang grupo hindi umano maituturing na “marginalized” ang kanilang grupo.
Kabilang ang Adhikain sa 18 grupo na naghain ng petition upang makilala bilang isang ganap na partylist group at makasama sa partylist elections sa susunod na taon. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo/Mer Layson)