Plaza Miranda, US Embassy bantay-sarado

MANILA, Philippines - Nakatanggap ng hindi pa kumpirmadong report ang Manila Police District kaugnay sa umano’y pla­nong pambobomba sa Plaza Miranda, Quiapo at US Embassy sa Roxas Blvd., Maynila.

Ayon kay MPD Director C/Supt. Rodolfo Mag­tibay, ilang araw ng na­ngangalap ng impormas­yon ang intelligence unit ng MPD kasabay ng pag­papakalat ng MPD personnel sa lahat ng vital installations ng May­nila.

Sa impormasyon, may pinaplanong pag-atake ang Southeast Asian Terror Network na Jemaah Islamiyah (JI) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bansa at target umano ang dalawang lugar, gamit ang mga bata na kanilang sinasanay sa pagdadala ng bomba upang hindi mahalata ang bomb plot.

Nanawagan din sa publiko si Magtibay na agad na ireport sa awto­ridad ang kahina-hina­lang kilos ng ilang indi­bidwal.

Patuloy pa rin ang normal na operasyon ng mga negosyante at sidewalk vendors sa Quiapo, May­nila sa kabila ng bantang ito.

Anila, hindi sila naba­bagabag dahil mapag­matyag sila at magkaka­kilala na sa lugar kaya madaling matutukoy kung may magtatanim ng bom­ba sa Plaza Mi­randa.

Show comments