Plaza Miranda, US Embassy bantay-sarado
MANILA, Philippines - Nakatanggap ng hindi pa kumpirmadong report ang Manila Police District kaugnay sa umano’y planong pambobomba sa Plaza Miranda, Quiapo at US Embassy sa Roxas Blvd., Maynila.
Ayon kay MPD Director C/Supt. Rodolfo Magtibay, ilang araw ng nangangalap ng impormasyon ang intelligence unit ng MPD kasabay ng pagpapakalat ng MPD personnel sa lahat ng vital installations ng Maynila.
Sa impormasyon, may pinaplanong pag-atake ang Southeast Asian Terror Network na Jemaah Islamiyah (JI) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bansa at target umano ang dalawang lugar, gamit ang mga bata na kanilang sinasanay sa pagdadala ng bomba upang hindi mahalata ang bomb plot.
Nanawagan din sa publiko si Magtibay na agad na ireport sa awtoridad ang kahina-hinalang kilos ng ilang indibidwal.
Patuloy pa rin ang normal na operasyon ng mga negosyante at sidewalk vendors sa Quiapo, Maynila sa kabila ng bantang ito.
Anila, hindi sila nababagabag dahil mapagmatyag sila at magkakakilala na sa lugar kaya madaling matutukoy kung may magtatanim ng bomba sa Plaza Miranda.
- Latest
- Trending