MANILA, Philippines - Nakahanda umano ang pamilya Dacer na kuhanin bilang testigo si Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.
Sinabi ni Atty. Demetrio Custodio, abogado ng magkakapatid na Dacer, ito ay kung may mailalabas ni Lacson ang mga ebidensya na makakapagturo sa mastermind sa pagdukot at pagpatay sa publicist na si Bubby Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Nilinaw pa ni Demetrio na ang pangunahing layunin naman talaga ng pamilya Dacer ay ang malaman at maparusahan ang mga may kinalaman sa pagpatay sa kanilang ama, kung kaya nakahanda silang kuning testigo si Lacson kung malaki ang maitutulong nito sa pagresolba sa kaso.
Sa kabila nito nakadepende pa rin umano sa panel of prosecutors kung aalisin bilang respondent si Lacson sa kaso kapag kinuha na nila itong testigo.
Kaugnay nito ay sinabi pa ni Demetrio na sa susunod na pagdinig ng Department of Justice (DOJ) ay maghaharap sila ng isa pang testigo sa panel upang patunayan ang implikasyon na may kinalaman si Lacson sa kaso.
Si Lymith Bagual umano ay personal na nakita sina Dacer at Lacson sa isang resort sa Batangas isang linggo bago nawala ang una.
Sa tagpong iyon ay nakita umano ni Bagual na nagtatalo at nagpapalitan ng mga salita ang dalawa habang nakita rin niya na naroon si Mancao.
Samantala, pinahintulutan na rin ng panel of prosecutors sa pangunguna ni Senior State Prosecutor Peter Ong ang pamilya Dacer na maghain ng amended complaint kung saan nais nilang maisama si dating Pangulong Joseph Estrada bilang isa sa mga respondent sa kaso.
Muli namang itinakda ng panel ang pagdinig sa September 28, 2009.