MANILA, Philippines - Hiniling ni Nueva Ecija Vice Governor Edward Thomas Joson sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang umano’y talamak na katiwalian dito kasabay ng pagsasampa ng kaso laban kay Nueva Ecija Governor Aurelio Umali at sa limang iba pa.
Una ng sinampahan ni Joson noong Setyembre 4 ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act sina Umali, provincial budget officer Randolph Alingig, provincial trade and industry officer Goivani Agtay, provincial engineer Oscar Santos, San Jose city health officer Raul del Pilar-Agliam, at Regina Nimes, manager ng Landbank sa Ombudsman.
Bukod pa dito ang umano’y kasong isinampa ni Joson laban sa mga naturang opisyal dahil sa pagpapa-upa sa freedom park ng probinsiya dahil ito ay pampublikong pasyalan ng publiko.
Pinaiimbestigahan din ni Joson ang gobernador at iba pang respondents dahil sa umano’y hinalang sabwatan upang makapangutang ang kapitolyo ng P370 milyon sa Landbank na walang pahintulot sa Sangguniang Panlalawigan. (Doris Franche)