Erap kakasuhan din sa 'Dacer'
MANILA, Philippines - Isasama na rin ng pamilya Dacer si dating Pangulong Joseph Estrada sa mga kakasuhan kaugnay sa pagdukot at pagpaslang sa PR man na si Salvador Dacer at driver nito na si Emmanuel Corbito.
Ayon kay Atty. Demetrio Custodio, abogado ng pamilya Dacer, pinagbatayan nila sa inihahandang ammended complaint ang mga naging testimonya ni dating Police Sr. Supt. Cesar Mancao sa Manila RTC kung saan direkta nitong isinangkot si Estrada bilang isa umano sa mga may kinalaman sa krimen.
Nilinaw naman ni Custodio na maaring abutin pa umano ng dalawa hanggang tatlong linggo bago pa nila maihain ang nasabing complaint sa Departmet of Justice (DOJ dahil nasa Amerika pa ang magkakapatid na Dacer at ilang araw din ang aabutin bago pa nila matanggap ang kopya ng reklamo para malagdaan at mapanumpaan bago ulit ipapadala sa Pilipinas para pormal na maihain sa DOJ.
Naghain kahapon ng motion for extension of time to file ammendment complaint sina Custodio upang mabigyan pa sila ng sapat na panahon para maihabol ang nasabing reklamo. (Gemma Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending