MANILA, Philippines - Ilang mga batang military officer ang nanawagan kahapon sa mga miyembro ng Philippine Military Academy Class 1978 na pakinggan ang panawagan ni dating Pangulong Fidel Ramos na huwag makisali sa mga planong palawigin ang panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Ramos kamakailan na ginagamit umano ni Gng. Arroyo ang Class 78 para sa senaryong No-El o No Election.
“Hindi dapat balewalain ang ganitong pahayag dahil, bilang military officers, dapat nating isaalang-alang ang mga babalang ito at maghanap ng paraan para mapangalagaan ang halalan laban sa dayaan,” sabi ng isang opisyal ng Army na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Gayunman, nanindigan kahapon ang Class 1978 na bilang mga propesyunal na opisyal ay hindi kailanman sila magpapagamit sa pulitikal na interes kaugnay ng darating na halalan.
Ito ang tiniyak kahapon ni Lt. Gen. Roland Detabali, Commander ng AFP-Southern Luzon Command at Presidente ng PMA Class 1978.
Blangko naman ang Malacanang sa pinapalutang na NO-EL. Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na baka nais lamang paalalahanan ni Ramos ang gobyernong Arroyo.
Sa gitna nang pangamba na magkakaroon ng failure of election sa susunod na taon, sinabi kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na iiral ang military junta dahil ito ang nakasaad sa Konstitusyon.
Ayon kay Enrile, mawawala ang tinatawag na “civilian authority” kapag hindi nagtagumpay ang eleksiyon ng mga opisyal ng bansa kaya militar ang posibleng pansamantalang mamuno sa Pilipinas. (Joy Cantos, Rudy Andal at Malou Escudero)