MANILA, Philippines - Humahakot ng tagum pay ang tambalan ng Department of Tourism (DoT) at Bureau of Immigration (BI) sa industriya ng turismo dahil batay sa estadistika, umakyat ng apat na porsiyento ang bilang ng dumating na turista sa bansa noong Agosto kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, sa kabila ng nararanasang krisis pang-ekonomiya ng mundo.
Ayon kay BI Commissioner Nonoy Libanan, nakatulong sa paglago ng bilang ng dumating na turista ang agresibong marketing strategy na ginamit ni Tourism Secretary Joseph ‘Ace’ Durano sa pagpapakita sa Pilipinas bilang world-class tourist spot na sinabayan naman ng mga makabagong programa ng BI.
Batay sa estadistika, umabot sa 1.32 milyong dayuhan ang dumating sa bansa noong nakaraang buwan, mas mataas ng 18,141 sa dumating dito noong August 2008.
Mula Enero hanggang Agosto, 3.95 milyong turista ang dumating, kumpara sa 3.943 million na bumisita sa bansa sa parehong panahon noong 2008.
Pinapurihan naman ni Libanan si Durano sa kanyang makabagong approach sa pagbibigay ng komprehensiyong framework para sa pag-unlad ng turismo, partikular sa iba’t ibang lugar sa mga lalawigan patungong prime tourist destinations.
Sa parte ng BI, sinabi ni Libanan na patuloy ang panliligaw ng BI sa mga da yuhang bisita sa pamamagitan ng mga programa tulad ng visa issuance made simple (VIMS), pre-arranged visa upon arrival at special visa for employment generation (SVEG). (Gemma Garcia)