MANILA, Philippines - Isang malawakang “signature campaign” ang ilili bot sa buong Pilipinas ng isang civic group laban sa nilulutong pagbubuwis sa text messages sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na layong makakalap ng 10 milyong pirma o higit pa.
Sinabi ni Cellphone Owners and Users of the Philippines (COUP) founder Ariel Inton na uumpisahan na ngayong linggo ang pag-iikot ng kanilang daan-daang mga miyembro para sa pagpapapirma upang maihayag ang pagkontra ng sambayanan sa panibagong pasakit sa bulsa ng mga karaniwang Filipino.
Ayon kay Councilor Inton, kasalukuyan ring majority floor leader ng Quezon City Council, hihingin nila ang tulong ng mamamayan upang tutulan ang panukala ni Cong. Danilo Suarez.
Isusumite nila ang makakalap na mga pirma sa Kamara at maging sa Senado upang maipakita sa mga mambabatas ang bilang ng mga taong tumututol dito.
Ipinaliwanag ni Inton na nais nilang maliwana gan kung paano ipapataw ang tax kasabay ng paggiit na imposible ang sinasabi ng mga kongresistang pumabor sa panukala na hindi ito ipapasa sa mga consumer. (Ricky Tulipat)