MANILA, Philippines - Duda si Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo sa pahayag ni presidential aspirant Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na bibitiwan na ng pamilya nito ang kanilang share sa kontrobersiyal na Hacienda Luisita sa Tarlac.
Sinabi ni Pabillo na dapat na tingnang mabuti ng mga mamamayan ang tunay na paninindigan ng senador sa urban poor at sa kapaligiran lalo na’t ginawa nito ang pahayag na bibitiwan ang hasyenda, sa panahong nagdeklara na ito ng layuning tumakbo sa pampanguluhang halalan sa 2010.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang Hacienda Luisita dahil sa labor dispute dito na nagresulta sa pagkamatay ng pitong magsasakang nagpu-protesta.
Idinagdag ng obispo na dapat ring busisiin ng mamamayan ang prayoridad ni Aquino sa magiging programa nito lalo na’t tumangging bumoto ito noong panahon na ipinapasa sa Senado ang Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reform.
Sa kabila nito, umaasa naman si Pabillo na tutulungan ni Aquino ang mga magsasaka at manggagawa ng Hacienda Luisita para mabigyan ng katarungan ang mga ito at ipailalim ito sa land reform.
Naunang pinuna ng senador na, hanggat hindi binibitiwan ng kanilang pamilya ang hasyenda, patuloy na mababahiran ito ng isyung pulitikal. (Mer Layson at Doris Franche)