Mag-amang de Venecia pakakasuhan sa ZTE
MANILA, Philippines - Irerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon ang pagsasampa ng pinakamabigat na kaso laban kay dating House Speaker Jose de Venecia Jr., at anak na si Joey de Venecia III kaugnay sa $329 milyong NBN-ZTE deal scandal.
Ayon kay Sen. Gordon, bukod sa mag-amang de Venecia, nakasaad din sa ipalalabas na report ang iba pang mga pangalan ng irerekomenda nilang kasuhan sa Ombudsman.
Iginiit din ni Gordon na hindi dapat ituring na whistle blower ang batang de Venecia dahil kasabwat din ito sa paglalako ng NBN project sa mga opisyal ng ZTE Corp.
Sinabi ni Gordon na kakasuhan din si dating Speaker de Venecia dahil kasama siya sa nakipag-negosasyon sa proyekto.
Una ng nagkasagutan sina Gordon at Joey sa pinakahuling pagdinig sa Senado dahil nagalit ang huli ng malaman mula sa una na kasama siya at si Rodolfo “Jun” Lozada sa kakasuhan, gayung sila ang whistleblower dito. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending