MANILA, Philippines - Matapos na mapasama ang Pilipinas sa listahan ng United States government sa 58 na gumagamit ng mga batang trabahador, tinanggi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ulat na laganap pa rin ang insidente ng child labor sa bansa.
Ayon kay Labor Secretary Marianito Roque, napakababa na ang insidente ng child labor sa bansa dahil sa ginagawang hakbang ng International Labor Organization (ILO) para mailigtas ang mga child workers.
Sinabi ni Roque na pinopondohan ng ILO ang child labor programs sa bansa para matiyak na walang mga bata ang maabuso at mapagtatrabaho.
Kabilang aniya sa programa ng DOLE ang Sagip Batang Manggagawa program, na inumpisahan noon pang 1994 para matiyak ang mabilis na tugon sa mga child labor problems.
Pinayuhan din ng DOLE ang gobyerno ng Estados Unidos na makipag-ugnayan sa ILO kung sa tingin nito ay may problema pa rin ng child labor sa Pilipinas.
Una nang inilabas ni US Labor Secretary Hilda Solis ang listahan ng mga bansa na may problema pa rin ng child labor. Hindi naman tinukoy sa listahan ng US government kung anong mga kumpanya ang gumagamit ng mga child workers. (Doris Franche/Mer Layson)