MANILA, Philippines - Mas pinili ng 18 Pinoy workers na uminom ng ihi para mabuhay sa pinapasukang palm oil plantation sa Sabah, Malaysia.
Kinilala ang mga overseas Filipino workers na sina Domingo Espadon, Roberto Caololan, Ariel Catedrilla, Enrique Nonato, Phoebes Cerbo, Dexter Cerbo, Fernandito Doti, Gil Belonio, Helbert Belonio, Ruel Tirados, Joey Miranda, Zaldy Olivares, Junriel Bacud, Rene Dalipi, Vany Babiera, Albert Perasol, Andrei Bonite, at John Casiple, pawang nagmula sa Iloilo at Tapaz, Capiz.
Sa pahayag ni Vany Babiera sa ginanap na pulong balitaan ng Migrante International at Gabriela Women’s Party, may mga oras na ihi at tubig mula sa maruming sapa na lang ang kanilang iniinom para mabuhay dahil wala silang makain at mainom sa plantasyon, kaya marami na ang nagkakasakit sa kanila.
Ang mga biktima ay nirecruit umano ng isang Felix Castronuevo kaya nakarating ang mga ito bilang turista sa Malaysia ngunit mamamasukan sa Timor Entreprises sa Sabah. Pinangakuan sila na susuweldo ng MYR700 o P10,000 kada buwan at libreng bahay at pagkain, ngunit pagdating dito ay pinasasahod lang sila ng MYR300 - 400 o may katumbas ng P4,000-P5,500 at binabawas pa rito ang ginastos sa pagproseso ng kanilang pasaporte, pagkain at kuryente.
Bunsod ng nasabing kalupitan ay agad na humingi ng tulong ang nasabing mga grupo sa Department of Foreign Affairs at Philippine Embassy para sagipin ang mga ito mula sa plantasyon.
Ang mga biktima ay kabilang sa 22 Pinoy Workers na dumating sa bansa noong Enero 2009 na walang kaukulang working visa at illegal na pumasok sa Malaysia.