MANILA, Philippines - Binatikos ng Buklurang Manggagawang Pilipino (BMP) at Federation of Philippine Industries (FPI) ang pagkabigo ng Bureau of Customs na mapahinto ang pagdagsa ng “ukay-ukay”, agricultural products at iba pang mga smuggled goods sa bansa.
Sinabi ni Leody de Guzman ng BMP, libo-libong manggagawa ang nawawalan ng trabaho sa garment industry dahil sa hindi masawatang smuggling ng mga “ukay-ukay” na may kasamang mga imported na used clotihing.
Ayon din kay Portia Ariesgado ng Association of Displaced Filipino Wor kers, maraming manggagawa sa mga pabrika partikular sa garment industry ang nawalan ng trabaho matapos magsara ang kanilang pagawaan dahil sa talamak na smuggling sa bansa ng “ukay-ukay”.
Umapela naman si FPI president Jesus Aranza sa Kongreso na mahigpit na ipatupad ang Lateral Attrition Law upang maengganyo lalo ang BOC na palakasin ang kanilang tax collections at labanan ang smuggling.
Hiniling din ni Aranza sa Kongreso ang pagsasagawa ng imbestigasyon dahil sa pagkabigo ng BOC na labanan ang pagpasok ng smuggled na ukay-ukay gayundin ang pagkabigong mapalago ang koleksyon nito na sinasabi ng International Monetary Fund na short ng P100 bilyon. (Rudy Andal)