Dagdag na kaso vs Chavit
MANILA, Philippines - Posibleng madagdagan pa ang kaso ni Deputy National Security Adviser Luis “Chavit” Singson hinggil sa umano’y pambubugbog nito sa dating live-in partner na si Rachel Tiongson.
Ayon kay Quezon City Majority Floor Leader, Atty. Ariel Inton Jr., labag din sa City ordinance no. 1401 series of 2004 na nagbibigay proteksyon sa kababaihan ang ginawa ni Chavit kay Tiongson.
Sa naturang ordinansa, binibigyan ang bawat kababaihan ng proteksiyon laban sa anumang pang-aabusong pisikal, moral at mental. Ang kasong ito ay maaari umanong isampa ni Tiongson ng hiwalay sa piskalya ng Quezon City.
Una ng pinagbawalan ng Quezon City Court of Justice ang dalawang kampo na magsalita hinggil sa merito ng kaso.
Dumistansya na rin ang Malakanyang sa kontrobersiyang kinasangkutan ni Singson kasabay ng paghikayat sa kanya na mag-leave of absence muna.
Samantala, next week pa ibababa ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang pasya laban kay Chavit kung dapat ba itong magbakasyon o suspindihin o sibakin sa posisyon.
Nilinaw din ni Gonzales na walang ginamit na government resources ang kanyang deputy sa ginawang paniniktik sa dating live-in partner nito.
Inamin naman ng AFP na miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang isa sa mga bodyguard ni Chavit habang ang isang bodyguard nito ay isang retired Marine. (Butch Quejada/Rudy Andal)
- Latest
- Trending