MANILA, Philippines - Libu-libong pamilya ang nanganganib na magutom, mawalan ng trabaho at tahanan kapag itinuloy ng Philippine Ports Authority ang pag-award sa dala wang kumpanya ng 25-year Manila North Harbor Modernization Project.
Sa isang Media Forum sa Manila kahapon, sinabi nina Bayan Muna Partylist Representative Teodoro “Teddy” Casino at United Filipino Seafarer’s President Nelson Ramirez na nanganganib ang kabuhayan ng may 150,000 pamilyang residente ng Manila North Harbor dahil ang dalawa umanong kumpanya na napipisil ng PPA ay walang kakayahan para isamoderno ang North Harbor.
Sinabi pa ni Casino na nagkaroon umano ng anomalya sa bidding process ng proyekto kaya naghain siya ng resolusyon na humihiling sa Kongreso na imbestigahan ang PPA hinggil sa Manila North Harbor Modernization Project.
Si Ramirez naman ay naghain ng petition to intervention sa Korte Suprema para mapigilan ang proyekto bunsod umano ng maaaring paglustay ng pondo ng gobyerno ng aabot sa mahigit sa 10 bilyong piso.
Ani Casino at Ramirez, hindi umano binigyan ng PPA ng seguridad sa trabaho ang libo-libong manggagawa sa pantalan pati na ang posibleng pagpapalayas ng walang sapat na programang pang-relokasyon sa mga squatters na matagal nang naninirahan at nabubuhay sa loob ng North Harbor. (Butch Quejada)