MANILA, Philippines - Hindi makatarungan ang pagpapataw ng limang sentimong buwis sa mga ipinadadalang text message, picture, video o audio tape sa mga cellphone, ayon kay Joey de Venecia III, kaugnay sa inaprubahang five-centavo excise tax ng Mababang Kapulungan hinggil sa mga nabanggit.
Ani Joey, bagaman nauna nang siniguro ni House Speaker Prospero Nograles na hindi ipababalikat sa mga cellphone users ang nasabing karagdagang buwis, hindi umano ito katiyakan para sa publiko
Tinanggal sa House Bill 6625 ang “no pass on provision” na nilalaman ng orihinal na bersyon ng nasabing batas na inakda ni Ilocos Sur Congressman Eric Singson. Samakatwid, malayang maipapasa sa cellphone users ang bagong ipapataw na buwis.
Kung mangyayari ito, ayon kay Joey, tiyak na kakamal ng karagdagang P20 hanggang 36 bilyong piso ang kabang-bayan.
Kilala ang Pilipinas bilang texting capital of the world dahil na rin sa madalas na pakikipag-ugnayan ng mga ito sa kani-kanilang mahal sa buhay na nasa malalayong lugar. Binigyang-diin ni Joey na hindi ang pagpapataw ng bagong buwis sa cellphones ang solusyon sa bagsak na kabuhayan sa bansa. (Butch Quejada)