'Immigration bill uunahin ang BI employees'
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Immigration Commissioner Nonoy Libanan sa mga empleyado ng ahensiya na hindi mawawalan ng puwesto ang mga rank-and-file employees kapag naisabatas na ng Kongreso ang immigration bill.
Ginawa ng BI chief ang pagtiyak sa kanyang speech sa ika-69 anibersaryo ng Bureau of Immigration (BI) noong Biyernes.
“Don’t worry about the bill because it will benefit our civil service employees,” sabi ni Libanan.
Iginawad din ng BI chief, kasama sina Justice Secretary Agnes Devanadera at Deputy Commissioners Roy Almoro at Enrique Galang, ang plaque of recognition sa mga outstanding employees ng BI at mga pribadong indibidwal at organisasyon na nakapag-ambag sa paglago ng ahensiya patungo sa isang world-class immigration office kumpara sa mauunlad na bansa.
Ayon kay Libanan, na dating three-term representative ng Eastern Samar at may-akda ng bill noong 13th Congress, mananatili sa kanilang kasalukuyang posisyon ang rank-and-file employees ng ahensiya.
Sa kanyang parte, sinabi ni Devanadera na sesertipikahan ni Pangulong Arroyo bilang urgent bill ang Philippine Immigration Act of 2009.
Inindorso na niya sa Pangulo ang certification ng PIA bilang urgent bill.
Ayon pa kay Devanadera, natutuwa si Pangulong Arroyo sa mga pagbabagong ipinatupad ni Libanan sa BI.
Nanawagan naman si Devanadera sa mga empleyado at opisyal ng BI na dapat silang magsilbi nang may ngiti sa labi dahil sila ang mukha ng bansa sa mga dayuhan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending