MANILA, Philippines - Pinaslang si Jimmy Lopez sa kanyang bahay sa Cavite noong Miyerkules. Isa siya sa mga testigo sa pagpatay sa publicist na si Salvador Dacer at Emmanuel Corbito.
Gaano kahalaga si Lopez sa Dacer-Corbito case?
Hindi nasaksihan ni Lopez ang pagpatay sa mga biktima pero nakita niya ang mga ito bago pinaslang nang gabing mangyari ang krimen. Nakagapos ang mga kamay at paa ng mga ito at natakpan ng masking tape ang mga mata at bibig.
Nakasandig lang ang impormasyon niya sa narinig niya sa grupo nina SPO3 Jose Escalante, SPO4 Marino Soberano at Crisostomo Puripicasion.
“Nabalitaan ko lamang na di umano binigti ni Nido Diperto sina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito. Napag-alaman ko rin na sinunog rin silang dalawa sa pamamagitan ng pagbuhos ng gasolina at ginatungan ng lumang goma ng sasakyan na basa rin ng gasolina,” ang sabi ni Lopez sa kanyang affidavit na sinumpaan niya sa harap ni Prosecutor Geronemo Cy ng Department of Justice noong Marso 28, 2001.
Gayunman, isa pang testigo na si Alex Diloy ang nagbigay ng detalye sa pagkakapaslang kina Dacer at Corbito.
Sinabi ni Diloy na, bandang alas-7:00 ng gabi, sa isang garahe sa Buna Lajos I, Indang, Cavite na pag-aari ng isang William Lopez, nakita niya itong nakikipag-inuman kina Jimmy Lopez, Digo de Pedro, SPO3 Jose Escalante at Mauro Torres at mga miyembro ng buwag na ngayong Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Sinamahan sila kinalaunan nina Jovencio Malabana, Margarito Cueno, Renato Malabanan, at isang nagngangalang Romel.
Kinalaunan, maliban kay Jimmy Lopez na may kapansanan, nagtungo ang grupo sa isang Ilat para manguha ng mga kahoy na panggatong at lumang gulong ng sasakyan.
Sinabi pa ni Diloy sa kanyang affidavit na pitong hakbang ang layo niya kay Dacer nang garotihin ito ni de Pedro at ’di kalayuan si Corbito. Kasunod nito, umalis sina William, Digo at Romel at bumalik pagkaraan ng 30 minuto at pagkaraang isama sina Dacer at Corbito.
Nakatayo si Diloy katabi ni Dacer na nakaputing damit habang dalawang metro ang layo sa kanila ni Corbito. Hinawakan niya sa braso si Dacer at inilapit kay William sa ibaba ng Ilat. Nasa lugar din sina William Lopez, de Pedro, at Mauro Torres. Nakadapa sa lupa nang mga oras na iyon sina Dacer and Corbito.
“Hawak ni Digo ang isang bakal na mahigit lang sa isang dankal na pag kinumpas ng malakas ay nahaba at mayroon din siyang hawak na kawad ng kuryente.”
Umupo siya sa likod ni Dacer at inihampas sa ulo nito ang isang kawad ng kuryente. Ipinulupot niya ang steel cord sa leeg ni Dacer. Narinig niya ang ungol ni Dacer. Kasunod nito, ipinasa ni Digo ang cord at ang rod kay Lopez para gamitin kay Corbito.
Binuhusan naman nina Mauro Torres at Escalante ng gasolina ang mga tuyong kakawati at lumang gulong. Inilagay nina Digo at William ang katawan nina Dacer at Corbito sa bunton ng mga kahoy at gulong bago sinunog ang mga ito. Nagliliyab pa ang apoy na tumutupok sa bangkay nina Dacer at Corbito nang iwanan nila ito.
Sinabi ni Diloy sa kanyang affidavit na naganap ang pagpaslang at pagsunog kina Dacer at Corbito bandang alas-8:00 ng gabi.
Isinangkot ni Diloy ang mga tauhan ng PAOCTF-Task Force Visayas na pinamumunuan ni Supt. Theofilo Vina na pinaslang kinalaunan.
May malakas na kuneksyon sa mga taong sangkot sa krimen. Si Mauro Torres ay isang pulis na nakatalaga sa PAOCTF-Cebu. Barangay Councilor sa Indang si William Lopez, barangay chairman si Jimmy Lopez sa Buna Lejos, at civilian agent naman ng PAOCTF si Digo.
Natagpuan kinalaunan ang Revo ni Dacer sa isang abandonadong lugar sa Maragundong, Cavite.
Kumumplento sa kaganapan ng krimen ang detalyadong kuwento ni Diloy na sinuportahan ng sinumpaang salaysay nina Senior Superintended Marino Severano, Jimmy Lopez at ibang testigo.
Matatandaang nagtungo si Chief Inspector Glen Dumlao sa Cavite para isagawa ang tactical interrogation kay Dacer. Kinuwestyon niya ito hinggil sa destabilization moves laban sa administrasyong Estrada na pinangungunahan ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Pinabulaanan ni Dacer na sangkot siya sa destabilization plot. “Marami din naman akong kaibigan sa administrasyon,” sabi raw ni Dacer kay Dumlao.