Chavit hindi sususpindihin
MANILA, Philippines - Walang plano ang Malacañang na suspindihin o sibakin sa kanyang posisyon si Deputy National Security Adviser Chavit Singson dahil sa ginawa nitong pananakit sa kanyang live-in partner kamakailan.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde sa kanyang media briefing sa Malacañang, hihintayin muna ng Palasyo ang magiging kalalabasan ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing pambubugbog ni Singson sa kanyang kinakasamang babae.
Habang wala pang pinal na resulta ang imbestigasyon ay mananatili sa kanyang posisyon si Singson.
Pinayuhan na lamang ng Palasyo ang dating Ilocos Sur governor na isumite ang kanyang sarili at harapin ang kasong isasampa laban sa kanya.
Magugunita na sinampahan ng kasong pambubugbog ni Ms. Rachel Tiongson si Chavit sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa ginawang pananakit sa kanya nito.
Inamin naman ni Chavit na binugbog nito ang kanyang live-in partner matapos mahuli na mayroong lalaki ito sa kanyang inuupahang apartment. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending